
photo courtesy of officiallyphilippines
Marahil madalas mo itong naririnig, ang hamon sa iyong kasalukuyang estado: “Malaya ka ba?” . O di kaya yung mas matinding pagsuma sa iyong kalagayan na naka ankla sa mga takot, hangganan at mga hindi mo kayang gawin: “Hindi ka malaya!”
Sunod nito ay ang paglista ng lahat ng iyong kahinaan laban sa matinding kasamaan na namamayagpag sa ngayon. Ang pangarap mo ay ilusyon, pero ang mga di ka-nais nais ay parang sapot na sumakop ng isang sulok ng iyong kamalayan. Basta nandyan na lang sya. Sunod ka na lang.
Bakit ka pumayag? Kase wala kang kalayaan? O dahil malaya mong pinili at sinelyohan ang iyong kapalaran sa isang animo mas madali at hindi komplikadong buhay? Ito ang leksyon ng kalayaan. Ang pagiging malaya ay isang responsibilidad na lagi mong tangan. Hindi ito pwedeng bitawan lalo na pag ito’y iyo nang nasumpungan. Palagi itong hihiling na ipaglaban, parang pag ibig. Ang pagkakaiba lang ay ang pakikitungo nito sa isang kompromiso. Ang pag-ibig ay nakakahanap ng balanse sa kompromiso. Ang kalayaan hindi mo pwedeng i-kompromiso. Hindi mo pwedeng sabihin na malaya ka dahil baka lang ang hawlang nagkukulong sayo ay mas malawak pa sa kayang lakarin ng paa mo at takbuhin ng isip mo.
Pero ganun pa man, wag kang papayag o makukuntento na sabihin na ikaw ay hindi malaya lalo na kung kaya mong i-proseso kung ano ang tama at mali at kaya mong maghayag ukol dito. Wag kang papayag na ang mga inabot mong sapot sa mga maduduming sulok ay mananatili dahil napaniwala ka na wala kang kapangyarihan na baguhin ito o dahil ikokompromiso lang nito ang matahimik mong pamumuhay. Baligtad ang ganitong paniniwala.
Kung nasasaksihan mo ang walang habas at buong tapang ng mga taong ganid sa pera at kapangyarihan, gamitin mo ang iyong kalayaan para putulin ito.
Hindi na pwede ang pagkibit balikat at pag iisip na baka may dumating muling bayani na magpapalaya sa’yo. Ang pananatili sa poder ng mga elemento ng kasamaan ay dahil nananatili, nakukuntento at natatakot ang mga malaya na gamitin ang kanilang kalayaan para sa kapakanan ng lahat. Madalas, ang responsibilidad na ito ang dahilan kung bakit tayo nananatiling nakakulong sa indibidwal na selda. Malaya ka na at nasa iyo ang susi, hindi ng kalayaan ng iba kundi ang kalayaan ng isang epektibong sistema na hindi pumapayag na lipulin ng mga taong mala-kanser ang pansariling interes.