A work of fiction / Kathang isip lamang…
Mas mahirap malaos kesa sumikat. Mas matinding pagsubok sa katinuan ang pulutin ang sarili sa pagkakatulak sa putikang pilapil matapos ka ring itulak para iakyat sa pedestal.
“Sino ka nga ulit?!?” bulong ng boses sa mikropono.
“Si Damian…” marahan at may nginig na sumagot pero pinutol ito agad ng mala-balong boses na pumupuno sa entablado.
“Ahh, ikaw yung singer dati! Yung parang mas korning bersyon ng Eraserheads!”
Si Damian nga ang naging animong pamasak sa butas na iniwan ng banda ng 2002, nung medyo ayaw na rin ng bandang tumugtog ng sarili nilang awitin, sarili nilang tunog. Si Damian yung isa sa mga pumayag na kaladkarin ng industriya para ipagpatuloy ang Ligaya, ika nga. Pero syempre, bilang isang pain sa pating ng pera na pinangangalandakan ang debosyon sa mga musikerong hindi mapapalitan at mapapantayan, sumikat sya na tila walang inaning respeto. Ni walang aamin na meron silang album ni Damian Rea. Ang katuturan na lang ng tatak na “Damian Rea” sa panahon ng internet ay dahil sa mga haters na paminsan minsan na ginagamit sya bilang kakutya-kutyang halimbawa kung paano nagtapos ang isang panahon. Sa panahon ng internet para syang LimeWire.
Mabuti na lang uso na ang Music Video nun. May nakapansin sa lalim ng pait na makikita sa kanyang mga mata. Parang tutang nagmamakaawa sa hawla. Mahirap layuan ng tingin. Binigyan sya ng maliit na bahagi sa isang telenovela ni Kristine at Echo. Bilang boypren na iniwan ni Kristine para kay Echo. Yung naiyak lang sa isang tabi at walang ginawa, para maipamalas lang yung mala-tuta na kalamlaman ng kanyang mga mata. Dahil wala naman syang karisma at mas matimbang ang damdaming di sya tanggap bilang susunod sa yapak ni Ely!, sa araw na iyon, tila nakaganti na ang masa. Dahil di na rin alam kung ano gagawin sa kanya, dinala na lang muna sya sa noon time show, para may pamunong mang-aawit twing may kaylangang kumanta ng mga sumisikat na kantang ayaw awitin ng seryosong singer dahil baka masira ang imahe nila. Sya na yung kakanta ng Mambo #5, Mr. Boombastic at Lick It. Pero pinalitan na ang Apo at wala ring pwesto sa MTB. Bigla na lang syang nawala. Naadik, nabaliw, nalunod sa humpak, nakabuntis… Walang nakakaalam. Wala rin namang may paki-alam talaga, hindi na para aksayahan pa sya ng segment sa Showbiz Lingo.
“At nandito ka para gumanap bilang ama ni Daniel?” tanong ng direktor na tila nagsasabi ng banta.
“Ama? ‘Di ba pwedeng kuya man lang?” kung nais magpatawa ni Damian, naligaw ito sa dilim ng paligid ng entablado…
Sa sumunod na araw, “Ano ka ba?!?” tanong ni Allan. Si Allan ang isa sa Executive Producer ng binubuong palabas. Kaibigan sya Damian noong kolehiyo. Sya ang nagbigay ng tip kay Damian sa naturang papel. “Labindalawang taon lang ang agwat namin, Allan. Mas kapani-paniwala ba ako bilang ama?” hirit ni Damian. “Hindi kasi namin kinokontra ang vision ni Direk, batas yun!”
itutuloy…